Bulkang Pinatubo, itinaas sa Alert Level 1

Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Mt. Pinatubo.

Kasunod ito ng ipinapakitang abnormal na kondisyon at aktibidad ng bulkan.

Pero ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, wala silang nakikitang pag-akyat ng magma.


Bagama’t wala pang napipintong pagsabog, nagbabala ang PHIVOLCS sa publiko na mag-ingat at hangga’t maaari ay iwasang lumapit sa Pinatubo crater area.

Pinaghahanda rin ang mga komunidad at lokal na pamahalaang nakapaligid sa bulkan para sa posibleng maranasang pagyanig at iba pang volcanic hazards.

Mula January 20, umabot na sa 1,722 ‘imperceptible earthquakes’ o mahihinang lindol ang kanilang naitala sa paligid ng Mt. Pinatubo.

“Sa ngayon, inire-relate natin sa tectonic environment yung mga pwersang nangyayari pero wala pa tayong nakikitang kadahilanan na may umaakyat na magma o di kaya ay nag-i-increase yung level ng hydrothermal activity,” paliwanag ni Solidum sa interview ng RMN Manila.

Bukod sa Bulkang Pinatubo, nakataas rin ngayon sa Alert Level 1 ang mga Bulkang Taal, Mayon at Kanlaon.

Facebook Comments