Nakatitiyak ang mga nagsusulong ng Bayanihan 3 o Bayanihan to Arise as One Act sa Kamara na mapapagtibay ito sa ikatlo at huling pagbasa kahit wala pang “certificate of availability of funds” mula sa Bureau of Treasury.
Ang Bayanihan 3 ay may pondong ₱401 billion pesos na hahatiin sa tatlong phase pero ito ay mangangailangan muna ng certification mula sa Treasury upang matiyak na may alokasyon ang lifeline package.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Committee on Economic Affairs Chairman Sharon Garin na pagbobotohan ng mga kongresista ang House Bill 9411 sa third reading sa susunod na linggo, o bago ang sine die adjournment ng Kongreso.
Tiniyak din ng kongresista na patuloy ang kanilang dayalogo sa Bureau of Treasury, Department of Finance at Department of Budget and Management para masigurong mapopondohan ang Bayanihan 3.
Nauna na ring ipinaliwanag ni Garin na ang pagkuha ng certification para sa pondo ng Bayanihan 3 ay maaari pa ring gawin bago ito maisumite sa lamesa ng Pangulo para malagdaan.