Inaasahang pagsapit ng tatlong buwan o 90 araw ay mararamdaman na ang benepisyong hatid ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Sa forum ng Senado kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na ngayong naratipikahan na ng mataas na kapulungan ang RCEP ay magbibilang pa ng 30 araw para makumpleto ang sertipikasyon ng pagsali ng ating bansa sa naturang free trade agreement.
Matapos nito ay bibibilang pa aniya ng 60 araw bago tuluyang magiging epektibo ang RCEP sa ating bansa.
Mula rito ay magiging bukas na para sa mga mamumuhunan ang ating bansa.
Sinabi naman ni Pascual, kabilang sa mga unang makakaramdam ng RCEP ay ang mga exporter.
Kumpiyansa naman si Pascual na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa COVID-19 pandemic ang RCEP dahil mapapasigla nito ang investments, mapapalakas ang MSMEs at ang iba’t ibang industriya sa bansa.