Matumal pa rin sa ngayon ang bentahan ng mga gamit pang-eskwela sa Divisoria sa lungsod ng Maynila.
Ito ang idinadaing ng ilang nagtitinda kung saan mahina ang kanilang kita partikular sa mga school supplies.
Bagama’t Agosto pa ang pormal na pag-uumpisa ng pasukan sa mga pampublikong paaralan ay may mga ilang pribadong paaralan na rin ang nag-umpisa ng klase ngayong Hulyo.
Ayon sa ilang tindera, may mga araw na walang benta talaga o kapag mayroon ay nasa P190.00 hanggang P200.00 lang ang benta.
Pati ang mga nagbebenta ng sapatos at bag sa Divisoria ay hindi pa ramdam ang back-to-school fever dahil sa tumal ng bentahan.
Umaasa naman ang mga nagtitinda na lalakas pa ang kanilang benta habang papalapit ang pasukan sa mga pampublikong paaralan.
Amindo rin kasi sila na ang Divisoria ang isa sa mga patok na bilihan ng mga murang gamit pang-eskuwela.
Samantala, narito naman ang ilang presyo ng mga gamit pang-eskuwela sa Divisoria:
Polo na panlalaki – P260.00 hanggang P300.00
Blouse – P220.00 hanggang P250.00
Palda – P150.00 hanggang P260.00
Shorts – P180.00
Bag – P250.00 hanggang P350.00
Black shoes – P200.00 hanggang P350.00