Nagsagawa ng protesta ang grupo ng mga siklista laban sa climate change.
Mula Quezon City Hall Quadrangle ay binagtas ng mga siklista ang Elliptical Road papuntang Maynila.
Ayon sa Asian People Movement Debt on Developments (APMDD), layon ng protesta na ipanawagan sa malalaki at mayayamang bansa ang pagkakaroon ng obligasyong magbigay ng climate finance sa mahihirap na bansang higit na apektado ng climate change.
Ang aktibidad na tinawag na “Pedal for People and Planet,” ay sabayang isinagawa ng 40 lungsod sa buong bansa maging ng iba pang mga bansa.
Isinabay nila ito sa unang araw ng climate summit sa Egypt ngayong Linggo, November 6 na tatagal hanggang November 18.
Nangako naman ang gobyerno ng Pilipinas na susuportahan nito ang pagho-host ng Egypt sa “27th Conference of the Parties (COP27) to the United Nations Framework Convention on Climate Change” sa gaganapin sa Sharm el-Sheikh City.
Magiging kinatawan ng bansa sa summit si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga.