Naging magaan lang ang itinakbo ng bilateral talk nina Vice President Sara Duterte at ng kaniyang katapat sa Estados Unidos na si Vice President Kamala Harris.
Nagpalitan lang ng kanilang interes sa Filipino food ang dalawa nang papasukin ang mga mamamahayag sa Aguado House sa Malacañang.
Hinimok ni Duterte si Harris na tikman ang kare-kare at adobo kasabay ng kaniyang paglalarawan sa mga binanggit niyang putaheng Pinoy.
Naikwento naman ni Harris na natikman na niya ang lumpia at fried spring rolls.
Inimbitahan din ni Duterte si Harris na subukang i-enjoy ang mga dalampasigan sa Palawan kapag bumisita siya roon.
Sa naturang pulong, sinamahan si Duterte ng kaniyang Chief-of-Staff na si Atty. Zuleika Lopez at nina Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babes” Romualdez, at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for the Office of American Affairs JV Chan Gonzaga.
Habang si Harris ay sinamahan nina US Ambassador to the Philippines Mary Kay Carlson, National Security Advisor to the Vice President Philip Gordon at Chief-of-Staff Lorraine Voles.
Nangako ang Office of the Vice President (OVP) na maglalabas ng detalye sa pulong nina Duterte at Harris.