Buong NCR, isasailalim na sa ECQ mula sa August 6 hanggang 20

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ilagay ang buong National Capital Region sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa inilabas na pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ngayong araw, mapapasailalim na sa ECQ ang NCR mula ika-6 hanggang 20 ng Agosto.

Pero bago nito, ilalagay muna ang NCR sa General Community Quarantine (GCQ) subject to heightened restrictions na magaganap mula July 30 hanggang August 5, 2021.


Dahil sa kautusan, ipagbabawal na ang pagdine-in at take-out at delivery lamang ang papayagan.

Papayagan namang mag-operate ng hanggang 30% ang mga personal care services tulad ng; beauty salons, beauty parlors, barber shops at nail spas.

Tanging ang mga Authorized Persons Outside their Residences (APOR) naman ang papayagang makabiyahe palabas at papasok ng NCR Plus Area na kinabibilangan ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal.

Maliban naman sa NCR, mananatili pa rin ang Gingoog City, Iloilo City, Iloilo Province, at Cagayan de Oro City sa ilalim ng ECQ na magsisimula sa August 1 hanggang August 7, 2021.

Nadagdag naman ang Cebu City at Cebu Province sa mga isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) na magsisimula August 1 hanggang August 15, 2021.

Sa ngayon, payo ni Roque sa publiko na iwasan munang magpanic dahil mayroon pang nalalabing isang linggo bago maipatupad ang kautusan.

Facebook Comments