Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos ang pag-alis sa pwesto ng lahat ng mga tauhan ng Pilar Municipal Station sa Abra.
Ito ay matapos ang rekomendasyon ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Saidamen Pangarungan makaraang ilagay ang Pilar, Abra sa under COMELEC control.
Ayon kay Carlos, mag-uusap sila ngayong hapon ni Cordillera Regional Director Police Brigadier General Ronald Lee para sa pagpapalit ng mga tauhan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Pangarungan na kaya niya inirekomenda ang pagpapalit sa pwesto ng mga pulis ay dahil sa natanggap niyang ulat na “bias” ang local police sa lugar.
Bukod dito ay mayroon din umanong presensya ng private armed groups sa lugar.
Dagdag pa ni Pangarungan, hindi sana idedeklarang under COMELEC control ang Pilar, Abra pero nagbago ang isip nya kaya ginamit niya ang emegency powers niya.
Sinabi nina Carlos at Pangarungan ang pahayag na ito sa press conference sa Camp Crame matapos ang sendoff ceremony ng security forces para sa local and national election sa May 9.