Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pananakit ng isang guro sa ilang batang estudyante sa elementarya sa Kalinga dahil lang sa nahihirapang sumagot sa kanilang klase.
Sa inilabas na pahayag, pinuna ng CHR ang Department of Education (DepEd) pati ang Schools Division of Kalinga, school administrators at mga guro na iwasan ang magparusa sa mga estudyante.
Sa isang video na kumalat online noong September 6, nakita ng CHR ang insidente ng pananakit at pagpingot sa tenga ng guro sa dalawang estudyante na hirap makasagot sa mathematical problem.
Ayon kay Atty. Romel Daguimo, Regional Director of CHR CAR, ang pang-aabuso at karahasan laban sa mga batang nag-aaral ay dapat na itigil at hindi kailanman dapat kinukunsinte.
Sabi ng CHR, sa ilalim ng United Nations Convention on the Rights of the Child ang mga bata ay dapat protektahan mula sa lahat ng anyo ng pisikal at mental na karahasan, pinsala, pang-aabuso at pagmamaltrato.