Itinalaga ng Commission on Elections o COMELEC si Commissioner Socorro Inting bilang acting chairperson ng poll body.
Ito ay matapos ang pagreretiro nina dating Chairman Shariff Abas at dating Commissioners Rowena Guanzon at Antonio Kho Jr.
Si Inting ay mananatiling acting chairperson ng COMELEC hangga’t walang nahihirang na bagong COMELEC chairman.
Kasabay nito, nagkaroon ng pagbalasa sa Divisions ng COMELEC kung saan si Inting ang magiging pinuno ng First Division at miyembro naman si Commissioner Aimee Ferolino.
Ang Second Division naman ay pamumunuan ni Commissioner Marlon Casquejo bilang presiding commissioner at miyembro naman si Commissioner Rey Bulay.
Ang mga kaso naman na inihain sa COMELEC pagkalipas ng February 9 ay ira-raffle sa mga na-reshuffle na Divisions.
Mananatili naman sa First at Second Divisions ang mga kasong nai-raffle sa dating dibisyon na humahawak nito.
Ang mga dating namumuno at miyembro din ng mga dating Division ang siya pa ring hahawak sa mga nakabinbin na kaso rito.
Nangangahulugan ito na hahawakan pa rin nina Commissioners Ferolino at Casquejo ang tatlong pending disqualification cases laban kay Marcos sa First Division.