Hiniling ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. sa Marcos administration na maglaan ng ₱1 billion sa bawat agricultural district sa bansa para gamiting pondo sa farm-to-market roads.
Sa kanyang talumpati sa sesyon ng Kamara ay ipinaliwanag ni Teves na ang naturang pondo ay makatutulong para mas maging mabilis at mas mura ang production cost ng mga pagkain at makatutulong din ito sa mga magsasaka.
Giit ni Teves, hindi sapat ang ₱20 million na natatanggap ng bawat distrito kada taon na ilang kilometro lang na farm-to-market roads ang magagawa.
Naniniwala si Teves na kayang-kaya ng gobyerno na maibigay ang naturang pondo dahil kada taon ay nasa higit ₱200 billion ang inilalaang pondo para sa farm-to-market roads.
Sabi ni Teves, nasa 300 kongresista ang bumubuo sa kasalukuyang 19th Congress at sa kanyang tantsa ay nasa 150 hanggang 200 ang mga agricultural district.
Kaya nasa ₱150 hanggang ₱200 billion ang maaaring alokasyon sa kanyang mungkahi.
Kasama rin sa suhestyon ni Teves na gawing upland rice areas ang ilang common land areas sa bansa para mapataas ang produksyon ng palay sa bansa at makamit ang target na ₱20 kada kilo ng bigas.