Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group o PNP-IMEG ang isang dating pulis na dalawang taong nagtatago sa batas.
Kinilala ni IMEG Director Pol. Col. Thomas Frias Jr., ang suspek na si Ruben Baliong, isang dating Police Office 3 na naaresto habang nagtatago sa Abu Dhabi.
Siya ay may kinakaharap na kasong murder at physical injuries sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng mga korte ng Caloocan at Parañaque.
January 4, 2019 nang tumakas si Baliong patungong Abu Dhabi at nagtrabaho bilang security officer sa Star Security Service na nakabase doon.
Nang matukoy ang kanyang kinaroroonan naaresto sya ng PNP matapos makipag-ugnayan sa Philippine Center on Transnational Crime at Interpol National Central Bureau.
Si Baliong ay dating naka-destino sa Mandaluyong City Police Station 3 at nasasangkot din sa iligal na droga at gun-for-hire activities.
Ngayong hapon, dinala ng PNP-IMEG sa Camp Crame si Baliong makaraang maiuwi sa Pilipinas sakay ng Etihad Airlines na dumating sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 3 kaninang alas-2 ng hapon.