Deliberasyon sa panukalang 2022 national budget, planong tapusin ng Senado ngayong araw

Sisikapin ng Senado na tapusin ngayong araw ang deliberasyon o period of interpellation sa mahigit P5 trilyon na panukalang pambansang budget sa susunod na taon.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, iilan na lang ang ahensya ng gobyerno ang kailangan nilang isalang sa delibersyon.

Kabilang dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI) at Presidential Communications Operations Office (PCOO).


Binanggit din ni Angara na karamihan sa mga senador ay nagsumite ng kani- kanilang panukalang amendment sa budget.

Sabi ni Angara, ikokonsidera nilang maisama ang mga individual amendments ng mga senador bago isalang sa 2nd at 3rd reading ang proposed 2022 national budget.

Pinaboran din ni Angara ang mungkahi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tanging mga kontrobersyal na panukalang amendment sa budget na lang ang talakayin sa plenaryo para hindi na sila gumugol ng mahabang oras sa period of amendments.

Base sa timetable ng Senado ay target maipadala ang 2022 budget sa Malakanyang sa Disyembre 21 para malagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ang araw ng Pasko.

Nauna ng sinabi ni Angara na dapat maipasa ang 2022 budget bago matapos ang taong kasalukuyang dahil napakahalaga ng mga programa at proyektong nakapaloob dito para sa patuloy na pagtugon sa pandemya at pagbangon ng bansa.

Facebook Comments