Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon nito hinggil sa pagkakapatay sa siyam na indibidwal na sinasabing may koneksyon sa mga rebeldeng komunista sa Southern Tagalog provinces.
Ayon kay Justice Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay, nais nilang malaman kung ang mga kaso ay dapat imbestigahan ng Inter-Agency Task Force on Extra-Judicial Killings.
Ang nasabing Inter-Agency Task Force ay nakapaloob sa Administrative Order No. 35 na ipinag-utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Trabaho ng Task Force na imbestigahan ang mga insidente ng Extra-Judicial Killings, enforced disappearances, torture at iba pang grave violations sa right to life, liberty at security ng isang tao.
Inaasahang maglalabas ang DOJ ng initial findings sa susunod na dalawang araw o higit pa.
Pero nilinaw ni Sugay na hindi lahat ng kaso ay sakop ng AO 35.
Bukod dito, hamon sa alinmang EJK probe ay maghanap ng mga testigo na handang humarap at tumulong sa imbestigasyon.