Isang positibong hakbang para sa Department of Science and Technology (DOST) ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order No. 164 na layong pagtibayin ang nuclear energy program ng Pilipinas sa harap ng nagninipis na supply ng kuryente sa bansa.
Ayon kay DOST-Philippine Nuclear Research Institute Director Dr. Carlo Arcilla, sobrang pahirap sa mga tao ang napakamahal na kuryente.
Kaya aniya, panahon na para maghanap ang gobyerno ng iba pang natural gas resources lalo’t mauubos na ang Malampaya habang nagpatupad na rin kamakailan ng ban sa coal exports ang Indonesia.
Inihalimbawa niya rito ang paggamit ng nuclear power plant gaya ng ginagawa ng maraming bansa sa buong mundo.
Kaugnay nito, iminungkahi rin ni Arcilla na pag-aralan ang alok noon ng South Korea sa Pilipinas na pondohan ang muling pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Tiniyak naman ng opisyal na bilang chief regulator ng nuclear power ay hindi niya basta-basta aaprubahan ang pagbubukas sa BNPP kung alam niyang hindi ito magiging ligtas.