Lumabas sa budget hearings ng House Committee on Appropriations na ₱12.69-B o 13.46% pa lamang ng ₱94.34-B alokasyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nagagamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, resulta ito ng ginagawa nilang assessment process o paglilinis sa listahan ng mga benepisaryo ng 4Ps na inaasahang matatapos sa Setyembre.
Paliwanag ni Gatchalian, layunin ng kanilang hakbang na matiyak na ang mga kuwalipikado lamang ang makatatanggap ng ayuda mula sa programa.
Sabi ni Gatchalian, nasa 800,000 mga pamilya ang natanggal na sa listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps dahil bumuti na ang kalagayan nila sa buhay, ngunit humiling ang mga ito na ma-reassess sila para muling makasama sa programa.
Nangako naman si Gatchalian na pabibilisin ang payout sa bagong listahan ng mga benepisyaryo kapag natapos na ang re-assessment.