Nagdesisyon ang Archdiocese of Manila na muling ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) protocol sa mga simbahang sakop nito sa loob ng dalawang linggo.
Sa utos ni Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, magsisimula bukas, August 3, ang muling paglockdown sa mga simbahan kung saan lahat ng kanilang aktibidad ay gagawin muna online.
Ayon pa kay Bishop Pabillo, ang kanilang hakbang ay bilang pagsuporta sa panawagan ng samahan ng mga health care frontliner na ibalik sa ECQ ang Metro Manila.
Matatandaan na unang hiniling ng medical community na ibalik sa ECQ ang National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, ramdam nila ang hirap ng mga medical worker dahil sa dagsa ng mga tao sa mga ospital kaya’t kailangan din ng mga ito ng ‘time out’ o pahinga.
Muli ring paalala ng Archdiocese of Manila sa bawat indibidwal at pamilya na seryosohin ang pagpapatupad ng mga health protocols para maging ligtas anumang oras.