Edukasyon, agrikultura, kaligtasan ng publiko, Top 3 sa listahan ng Lacson-Sotto admin

Kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral, dagdag na sweldo at benepisyo sa mga guro, ayuda upang mapalakas ang kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka at mga negosyante, at kaligtasan ng publiko sa epekto ng iligal na droga, pagnanakaw, pandemya, at mga kalamidad.

Ito ang tatlong mga isyu na tututukan ng tambalan nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III kung sila ang mahahalal na susunod na presidente at bise presidente ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ito ng Lacson-Sotto tandem sa naging panayam ng mga mamamahayag sa Bicol nitong Sabado, kung saan sinagot din ng dalawang batikang public servants ang iba’t ibang isyung pambansa at inilahad ang iba pa nilang mga plano upang mapaunlad ang Pilipinas sakaling palarin sa parating na Halalan 2022.


“While ‘yung iba ‘yon ang ipinapangako, ang sa amin, sa track record naming dalawa, ginagawa na namin,” tugon ni Lacson sa tanong kung paano niya maipatutupad ang kanyang pangako ngayong Halalan 2022 na pagsasaayos sa buhay ng mga Pilipino.

Ayon kay Lacson, naging adbokasiya na niya bilang senador ang pagsusulong sa dagdag na allowance ng mga guro at gayundin sa pondo na kailangan ng last-mile school program ng Department of Education upang mabigyan ng edukasyon ang mga Pilipino na nasa malalayong lugar.

Kung magiging pangulo siya ay mas mapapalakas aniya ang programang ito at makapaglalaan din ng badyet para sa libreng tuition fee sa ilalim ng kanyang ‘Edukasyon Plus’ program. Dagdag pa rito ang P5,000 monthly allowance ng mga mag-aaral at government internship program simula senior high school.

Para naman sa mga maliliit na mga magsasaka at mga negosyante o mga micro-, small-, and medium-sized enterprises (MSMEs) sinabi ni Lacson na mga ‘future-proof’ o maagap na istratehiya ang kanilang gagamitin upang makaahon sila mula sa epekto ng pandemya.

“Dapat may fiscal stimulus, ano. [Sa] agrikultura, napakaganda ng programa namin na mag-intervene ang gobyerno na kung saan ‘yung produce, lalo diyan sa Bicol, ano, marami diyan may agriculture na—agricom sector medyo malaki-laki rin,” ayon kay Lacson.

Ibinigay niyang modelo ang ginawa sa Davao del Norte kung saan mismong provincial government ang bumibili ng ani ng mga magsasaka. Naging matagumpay ito sa pagtulong sa mga magsasaka na napipilitang isanla ang kanilang ari-arian para lamang mabuhay ang kanilang kabuhayan.

Sisiguraduhin din ng Lacson-Sotto tandem na maibabalik ang mga ninakaw na oportunidad para sa mga negosyante at magsasaka dahil sa mahigpit nilang pagbabantay sa mga utak ng smuggling para proteksyonan ang interes ng ating kababayan.

Kasabay rin nito ang maayos na pagpaplano sa mga proyektong pangkaunlaran ng bawat barangay, wastong paggastos sa pambansang badyet lalo na sa pagtugon sa pandemya, at pagkakaroon ng iisang standard para papanagutin ang mga tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno na nagnakaw sa kaban ng taumbayan.

Maisasagawa umano ang lahat ng ito, ayon kay Lacson, kung mayroong isang maayos na pangulo na nagpapakita ng mabuting ehemplo. Kaya naman, aniya, kailangang magsimula rin ang pagbabago mula sa mga nasa loob ng gobyerno.

“Everything starts, everything begins, and everything ends with government. So, kailangan ayusin ang gobyerno, linisin ang gobyerno nang sa ganoon maayos ang buhay ng ating mga kababayang mga Pilipino,” diin ni Lacson.

Tumatakbo ang Lacson-Sotto tandem sa ilalim ng kanilang adbokasiya na “Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at “Uubusin ang magnanakaw.”

Facebook Comments