EPIRA, pinaaamyendahan ng Senado para maibaba ang singil sa kuryente

Pinaaamyendahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang bumaba ang singil sa kuryente.

Partikular na pinaaamyendahan ni Zubiri ang probisyon ng EPIRA na nagpapahintulot sa mga power generating companies (GENCOS) na ipasa sa mga consumers ang lahat ng kanilang gastusin sa generation ng kuryente.

Iginiit ni Zubiri na kailangan nang marepaso ang batas para mabawasan ang pasanin ng mga consumers sa mataas na singil sa kuryente.


Target din ng senador ang pagrepaso sa patakaran sa mga electric cooperatives na walang preno sa pagtaas sa singil ng kuryente na doble hanggang triple ang singil lalo na sa Mindanao at sa ibang bahagi ng Visayas.

Tinukoy ng senador na sa Bukidnon ay nasa ₱15.15 per kWh ang singil sa kuryente noong Hunyo at tumaas ito sa ₱16.56 per kWh nitong Hulyo o 9.31 percent ang itinaas agad sa singil sa loob lamang ng isang buwan.

Ipapatawag sa pagdinig ng Senado ang Energy Regulatory Commission (ERC) para malaman kung inaprubahan nito ang pagtataas sa singil ng mga electric cooperatives at kung na-o-audit ba ng maayos ang mga kooperatiba.

Facebook Comments