Naniniwala ang Energy Regulatory Commission (ERC) na nalampasan na ang critical period pagdating sa suplay ng kuryente sa bansa.
Kasunod na rin ito ng ilang araw na isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa Red at Yellow Alert status ang Luzon at Visayas maging ang Mindanao grid.
Ito ay dahil pa rin sa pagnipis ng suplay ng kuryente matapos ang pagpalya ng ilang planta.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na posibleng malalampasan o nalampasan na ng bansa ang naturang scenario na nakaapekto sa mga grid sa bansa noong mga nakalipas na araw.
Aniya, nababawasan na rin kasi ang oras ng paglalagay sa alert status ng ilang grid sa bansa at hindi na nakikita ng NGCP na ilagay ang ilang grid sa red alert status.
Samantala, kasunod ng pahayag ng ilang senador na dapat ay managot din ang ERC sa isyu ng pagpalya ng mga power plants, muling iginiit ni Dimalanta na kulang ang kanilang manpower.
Ipinaliwanag niya kung bakit hindi kakayanin ng kanilang nasa 300 tauhan na regular na mainspeksyon ang halos 600 na power plants sa bansa.