Full transparency ng COMELEC at Smartmatic sa data breach issue, ipinanawagan ng isang election watchdog

Dapat na isapubliko ng Commission on Elections (COMELEC) at Smartmatic ang mga impormasyon kaugnay ng data breach issue.

Panawagan ito ng election watchdog na Kontra Daya matapos na ibunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinangakuan ng P300,000 at “training modules” ang dating empleyado ng Smartmatic na sangkot sa security breach kapalit ng access sa sistema ng kompanya.

Ayon kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao, mahalaga ang full tranparency ng COMELEC at Smartmatic sa isyu dahil karapatan ng mga botante na malaman kung ano ang magiging epekto nito sa halalan.


Giit pa ni Arao, hindi pwedeng sabihin ng Smartmatic na wala silang direktang kinalaman sa nangyari dahil empleyado nila ang sangkot sa isyu.

Kasabay nito, umapela ang grupo sa COMELEC na palitan na ang Smartmatic bilang service provider nito sa mga susunod na eleksyon.

Kahapon, matatandaang sinabi ng COMELEC na hindi muna nila ibibigay ang P90-milyong bayad sa Smartmatic hangga’t hindi nareresolba ang isyu ng data breach.

Facebook Comments