Hinimok ng isang grupo ng internet at information and communications technology (ICT) rights advocate si Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang SIM Card Registration Bill.
Ayon sa Democracy.Net.Ph, naisumite na nila sa Office of the President ang petisyon para i-veto ang naturang batas.
Iginiit ng grupo na sa halip na pigilan ang cybercrime at internet trolls, ay lilimitahan lamang ng batas na ito ang right to privacy ng publiko at magdudulot ito ng panganib sa mga subscriber dahil nakalantad ang personal na impormasyon ng mga ito sa isang centralized server.
Dagdag pa ng Democracy.Net.Ph na matatatanggalan din ng karagdagang seguridad sa pagkakakilanlan ang mga artista, public figures, influencer, activists, human rights defenders, at mga biktima ng domestic abuse at violence against women and children
Matatandaang naratipikahan sa Kongreso noong Pebrero ang SIM Card Registration bill kung saan gagawing mandatory sa mga mobile phone subscriber na ipa-rehistro ang kanilang mga SIM card at gamitin sa lahat ng social media networks ang personal na impormasyon at phone number ng mga subscriber.