Thursday, February 19, 2026

Grupo ng mga delivery rider, kinondena ang lumabas na pag-aaral hinggil sa kanilang lingguhang kita at benipisyo

Mariing kinuwestyon ng grupong National Union of Food Delivery Riders (RIDER-SENTRO) ang lumabas na pag-aaral hinggil sa kanilang lingguhang kita at benipisyo sa bansa.

Batay sa inilabas na study ng International Labour Organization (ILO), aabot sa P6,704 ang sinasahod ng mga delivery riders sa loob ng isang linggo.

Bukod pa rito, mayroon ding access ang mga ito sa social protection at iba pang benipisyo.

Tahasan naman itong hindi sinang-ayunan ng grupo dahil para sa kanila, hindi ito sumasalamin sa tunay na sitwasyon ng mga rider sa lansangan.

Ayon kay Elmer Cenita, Presidente ng RIDERS-SENTRO na marami umano sa kanilang hanay ang nakararanas ng kakulangan sa kita.

Matapos na magastos ang ilang parte ng kita sa pinapa-gasolina at maintainance ng motorsiklo.

Sa kanilang pagtataya, aabot lamang sa P464 ang kanilang naiuuwing kita sa isang araw.

Bukod pa rito, may ilan ring mga riders umano ang nakararanas ng kawalan ng seguridad sa trabaho at mahabang oras sa pamamasada upang may maiuwing mas malaking kita sa buong araw.

Iginiit naman ng grupo na kung sakaling hindi man maitama ang naturang datos ay posible itong magamit para maliitin ang kanilang panawagan pagdating sa makatarungang sahod at proteksyon.

Sa huli, nanawagan din sila na imbestigahan ng ILO ang pag-leak ng naturang pag-aaral at isama ang mga organisadong rider sa pananaliksik.

Kaugnay nito, naglabas naman ang pahayag nag ILO at sinabing ang nakalap na resulta sa pag-aaral ay preliminary at strictly draft lamang at hindi pa pinal, inendorso, at hindi pa magagamit bilang tiyak ang konklusyon.

Facebook Comments