Hamon ng pandemya sa kampanya, ‘di maikakaila sa pagkalat din ng fake news – Ping

Nauunawaan ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang hamon na dala ng pandemya dulot ng COVID-19 at pagkalat ng fake news, habang panahon ng kampanya para sa papalapit na 2022 presidential elections, kaya naman gumagawa siya ng mga hakbang para dito.

Aniya, sa panahon kung saan naging limitado ang kilos ng publiko habang lumakas naman ang pag-abot nila ng impormasyon sa tulong ng internet ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa isipan at pagdedesisyon ng mga botante.

Ibinahagi ito ni Lacson sa kanyang pagdalo sa “Go Negosyo: Kandidatalks Presidential Series.” Batid niya na marami sa mga Pilipino ang mas tinatangkilik na ang impormasyon na nanggagaling sa digital sources tulad ng social media na lantad sa banta ng malisyoso, paninira, at pekeng nilalaman.


“Malaki, malaki ang pinagbago. Kasi ‘yung in this day and age of modern information and communication technology… Noon talagang purely physical halos tapos mainstream media. Ngayon, ang laki ng shift natin from mainstream to digital, pati ‘yung physical na pangangampanya,” sagot ni Lacson sa tanong ng broadcast journalist na si Cheryl Cosim kung nagbago ba ang botanteng Pilipino ngayong panahon ng pandemya.

Dahil dito, sinabi ni Lacson na doble aksyon ang ginagawa niya kasama ng kanyang mga campaign team upang maipakilala sa pamamagitan ng kanilang mga opisyal na social media platforms, ang kanilang mga adbokasiya at plataporma tungo sa mas maayos na buhay ng mga Pilipino.

Sa kabila nito, tinukoy niya na nananatiling hamon sa kanila ang pagkalat at tila pandemya rin ng fake news dahil sa kabila ng abot-kamay na impormasyon ay marami pa rin ang hirap na makamit ang tama at mapagkakatiwalaang content mula sa internet.

“While meron tayong almost unlimited access to information, meron din tayong access sa disinformation. Ang masakit buti kung tayo dahil more or less na-di-discern natin pero marami sa mga kababayan natin, lalo’t hindi abot na masyado noong access sa information, malakas ‘yung epekto ng mga disinformation. Pati mga fake news, sabihin na natin,” lahad ni Lacson kay Cosim.

Para masugpo ang fake news, nauna nang ipinahayag ni Lacson na pabor siya sa pagkakaroon ng mga regulasyon sa mga social media network katulad ng Facebook, Twitter, at YouTube, gayundin ang pagpapalakas sa digital media literacy ng mga Pilipino.

Ngunit kahit pa malaki at seryoso ang mga kinakaharap na hamon, inihayag ni Lacson na wala siyang pagsisisi sa kanyang pagtakbong muli bilang pangulo. Ngayong nasa kalagitnaan na ng kampanya, challenge-accepted pa rin ang pananaw niya.

“Medyo mahirap (ang kampanya), physically taxing pero rewarding naman dahil maraming napupuntahang lugar, maraming nakakausap, so maayos,” aniya.

Facebook Comments