Umaabot sa 4,295 na mga paaralan sa bansa ang nag-umpisa na ang limited face-to-face classes.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na umaasa pa silang mas dadaming paaralan ang lalahok sa face-to-face classes lalo na’t nasa ilalim na ang Metro Manila at 38 mga lugar sa bansa sa Alert Level 1.
Ani Briones, sa ngayon 6,213 na mga paaralan sa bansa ang handa na para sa progressive expansion ng face-to-face classes.
Kinakailangan lamang makatugon sa ilang kondisyong inilatag ng kagawaran at ng Department of Health (DOH) kabilang na ang pagpayag ng mga Local Government Units (LGUs), mga magulang, maka-comply sa DOH protocols at dapat handa ang mga pasilidad ng mga paaralan.
Paliwanag pa nito, hindi ipinatutupad ang full face-to-face classes kung saan anim hanggang walong oras ang itinatagal ng mga estudyante sa mga paaralan.
Ani Briones, umiiral ang face-to-face classes pero hindi pa rin mawawala ang blended learning component lalo na’t kailangang makasabay sa makabagong teknolohiya ng mga estudyante.