Hindi pagdalo sa mga debate, isa sa posibleng dahilan ng pagbaba ng numero ni BBM sa Pulse Asia survey

Naniniwala ang isang political analyst na bumaba ang puntos ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia dahil sa hindi nito pagdalo sa mga debate.

Nabatid na bagama’t nangunguna pa rin sa presidential survey ay bumaba sa 56% ang score ni Marcos kumpara sa 60% na nakuha niya noong Pebrero.

Paliwanag ni Prof. Michael Yusingco ng Ateneo de Manila University Policy Center, marahil ay hindi nagustuhan ng mga botante ang hindi pagdalo ni Marcos sa mga debate para maipakita ang mga plataporma nito.


“More than just the absence ‘no, yung siya na mismo ang nagsasabi na hindi talaga siya a-attend dahil ayaw niya mag-attend… sinasabi niya na hindi yan ang strategy ko, ang strategy ko ay dumiretso sa taumbayan, mag-rally rally and all of those things,” ani Yusingco sa panayam ng RMN Manila.

“Palagay ko hindi maganda ang reception ng gano’ng declaration sa mga botante kasi ang mga botante natin ngayon, naghahanap ng dahilan para iboto ka e. So, kung wala kang mapapakitang dahilan, titingin yan sa iba. Kung hindi ka niya nakikita e mawawalan yan ng gana sayo,” dagdag niya.

Samantala, mapapansin din na bumaba ang numero ni Marcos sa Mindanao kung saan naman nakakuha ng pinakamataas na puntos ang ka-tandem niya na si Mayor Sara Duterrte-Carpio.

Sa tingin ni Yusingco, ipinapakita nito na hindi lahat ng supporters ni Mayor Sara ay solid din ang suporta kay BBM.

“Bumaba yung numero ni BBM pero yung numero ni Sara, tumaas. And that to me is something worth looking into kasi given yung mga RO-SA initiatives, IS-SA initiatives, so baka ang weakness ng ‘BBM camp’ is yung mga Sara Duterte voters dun e soft voters kumbaga, soft supporters. Kumbaga, sila yung lilipat ng kampo,” paliwanag pa ni Yusingco.

Facebook Comments