Ikalawang bugso ng pamamahagi ng educational assistance para sa mga students-in-crisis ng DSWD, aarangkada na ngayong araw

Aarangkada na ngayong araw ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng educational assistance para sa mga student-in-crisis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa DSWD, siniguro na nila na magiging maayos na ang sistema na ipatutupad ngayong araw sa payout.

Dagdag pa ng ahensya, nasa mahigit 200 ang payout center sa buong bansa kung saan inaasahang makakapamahagi ng ayuda sa 40,000 estudyante.


Posible pa ito madagdagan sa mga susunod na linggo.

Kabilang sa initial venues para sa Metro Manila ay ang National Vocational Rehabilitation Center sa Katipunan, Quezon City; DSWD Field Office sa Legarda, Maynila at Social Welfare and Development for Asia and the Pacific sa Taguig City.

Kasunod nito, muling pinaalala ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na matapos mag-apply online ay makatatanggap ng confirmation text message kung anong oras at saan ang payout center pupunta ang estudyante.

Kapag aniya walang text message ay hindi makapipila.

Nilinaw naman ni Lopez na hindi nangangahulugang tiyak na makakuha ng ayuda kapag nakatanggap ng message dahil daraan pa ito sa onsite assessment ng social worker upang matiyak kung student-in-crisis o talagang nangangailangan ang isang aplikante.

Kabilang sa mga students-in-crisis ay ang mga sumusunod:
 Breadwinner
 Working student
 Anak ng solo parent
 Anak ng OFW
 Biktima ng pang-aabuso
 Walang trabaho ang magulang
 Mga Inabanduna
 Mga Ulila

Sinabi naman ni Lopez na kung hindi kabilang sa mga nabanggit na kategorya ay pwede pa ring mag-apply batay sa assessment ng social worker.

Samantala, pinaplantsa na ng DSWD ang guidelines para sa walk-in ng mga walang cellphone o access sa internet.

Facebook Comments