Kasong unjust vexation at administratibo ang isasampa ng Airport Police Department (APD) laban sa ilang opisyal ng Office for Transportation Security (OTS).
Partikular na kakasuhan ni APD Investigation and Intelligence Division Head Lt. Jesus Ducusin sina OTS Head Undersec. Raul del Rosario, OTS Legal Officer Atty. Karen Lim at isang Director Danao.
Nag-ugat ito sa paghuli ni Lt. Ducusin sa ilang screeners ng OTS na hinihinalang sangkot sa pagkawala ng bagahe ng mga pasahero matapos na dumaan sa X-ray machine na binabantayan ng mga tauhan ng OTS.
Ayon kay Lt. Ducusin, inimbitahan siya ni Del Rosario sa Zoom meeting at doon siya dinuro-duro ng OTS head.
Inutusan din aniya siya ni Del Rosario na ang mga nahuhuli nitong OTS screeners ay i-turn over sa kaniya, bagay naman na inalmahan ni Lt. Ducusin dahil hurisdiksyon aniya ito ng APD.
Nanindigan si Ducusin na gagampanan nila ang kanilang tungkulin na protektahan ang kapakanan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Partikular aniya ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na madalas manakawan ng mga bagahe kung saan hinihinalang kagagawan ng OTS screeners.