Imbestigasyon sa POGO, ipagpapatuloy ngayong araw

Ipinagpatuloy ngayong araw ng Senate Committee on Ways and Means ang imbestigasyon hinggil sa benepisyo at epekto ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Nangako ang Chairman ng komite na si Senator Sherwin Gatchalian na hihimayin ng husto ang pagpapatupad ng batas kasama ang buwis na nakokolekta mula sa POGO at ang legal at regulatory compliance ng third-party auditor consortium na kinuha ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para tukuyin ang Gross Gaming Revenues ng mga lisensyadong POGO.

Layunin ng pagkuha ng third-party auditor na malaman ang katiyakan na kumikita ang mga POGO.


Ang gross gaming revenue ang basehan para sa 2% regulatory fee na kinokolekta ng PAGCOR at ang 5% na buwis na kinokolekta naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Giit ni Gatchalian, mahirap pagkatiwalaan ang integridad ng mga third-party auditor, mga POGO at accredited service providers kung patuloy na bigong magpapakita ng kredibilidad sa kanilang operasyon.

Sa mga nakaraang pagdinig ng komite ay natuklasan ang mga “underdeclared” na binayarang buwis ng POGO na nakita sa mga isinumiteng gross gaming revenues sa BIR at PAGCOR.

Facebook Comments