Impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura agad sa unang pagdinig pa lamang ng Kamara

Mabilis na ibinasura ng House Committee on Justice sa unang araw pa lamang ng pagdinig ang impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Sa botong 41 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay bumoto ng “dismiss outright” ang mga myembro ng panel matapos kakitaan na walang sapat na porma ang reklamong pagpapatalsik laban sa Associate Justice.

Si Senior Deputy Speaker Doy Leachon ang nagmosyon na i-dismiss na o ibasura na ang impeachment complaint laban kay Leonen.


Bago ito ay nagmanifest sina Deputy Speaker Rufus Rodriguez at Albay Rep. Edcel Lagman na walang isinumiteng certified at authentic records o documents ang complainant na si Edwin Cordevilla.

Anila, puro photocopy sa dyaryo at sa online news website pinagkukuha ang mga dokumentong ibinigay sa komite.

Giit dito ni Rodriguez, hindi tumatalima sa requirement ng impeachment na dapat “true and correct” at “based on personal knowledge” ang impeachment complaint.

Dahil dito, sinabi ng mga kongresista na “purely hearsay” at hindi tatayo ang reklamong ito sa trial.

Sa huli ay tuluyan na ngang nabasura ang reklamong pagpapatalsik laban kay Leonen kung saan naging batayan dito ang Section 1, Rule 16 ng rules of court.

Hindi naman na ibabalik sa tanggapan ng Secretary General ang impeachment complaint bagkus ay gagawan na ito ng committee report para sa tuluyang pagsasara ng kaso.

Samantala, nauna namang naginhibit sina Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun at Marikina Rep. Stella Quimbo sa pagdinig.

Si Fortun ay kabilang sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan Chairman si Leonen habang si Quimbo naman ay may elecotral protest laban sa kanya sa HRET na kabilang sa reklamo sa mahistrado.

Facebook Comments