Hindi mananaig ang terorismo sa bansa.
Ito ang iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kasunod ng hatol ng Regional Trial Court Branch 266 sa Taguig na guilty sa paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 si Ominta Romato Maute.
Si Ominta ang ina ng Maute brothers na iniuugnay sa mga serye ng terorismo sa Marawi City.
Batay sa imbestigayon, pinagamit ni Ominta ang kaniyang sasakyan sa limang terorista kabilang si Omar Maute noong July 29, 2016 kung saan naharang ito sa kaparehong araw at nakumpiska ang mga improvised explosive devices.
Nakatakas naman ang mga sakay nito.
Pero bago niyan, idinadawit din sila sa serye ng mga kidnapping at pamumugot ng ulo sa mga sibilyan sa Lanao del Sur noong April 2016.
Sa desisyon ng korte, guilty si Ominta sa terrorism financing dahil sa pagpapagamit ng kaniyang sasakyan sa mga miyembro ng mga terorista.
Matapos ang hatol, sinabi ni Secretary Remulla na malaking panalo ito pagdating sa paglaban ng bansa sa terorismo.
Hindi bababa sa 17 taon na pagkakakulong ang kakaharapin ni Ominta bukod pa sa kalahating milyong pisong babayaran nito sa korte.