Matapos ang mahigit tatlong buwan na pagdinig, ibinasura ng Department of Justice – Office of the Provincial Prosecutor ang mga kasong frustrated murder at attempted murder na isinampa ni Infanta Mayor Filipinas Grace America laban kina Vice Mayor Lord Arnel Ruanto at sa limang iba pa kaugnay ng tangkang pananambang sa kanya.
Base sa sampung pahinang resolusyon na inilabas ng panel of prosecutors na inaprubahan ni Provincial Prosecutor Rodrigo Domingo noong ika-27 ng Hunyo 2022, pinapawalang-bisa ang mga naturang kaso laban kina Ruanto, Gilbert Pacio, Ereberto Escueta, Joraffin Fortunato Plantilla, Bobby Vargas at Ronil de Guzman Nolledo dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Nag-ugat ang nasabing mga kaso matapos ang pananambang at tangkang pagpatay kay Mayor America kasama ang driver nitong si Alvin America at close aide na si Virgie Borreo noong Pebrero 27, 2022 bandang alas-11:45 ng umaga sa Rizal St. Brgy. Poblacion 1 habang sakay ng sports utility vehicle galing simbahan.
Sugatan si Mayor America habang wala namang tinamong sugat ang dalawa nitong kasama.
Nang maganap ang insidente, si Mayor America ay muling kumakandidato bilang punongbayan sa ilalim ng Partidong Nacionalista at kilalang kaalyado ng pamilya Suarez.
Samantala, ang inakusahan na si Ereberto Escueta ay isa sa kanyang katunggali sa pagkapunongbayan at si Ruanto bilang kanyang running mate sa ilalim ng Partidong NPC.
Ilang araw matapos makalabas sa ospital, nagsalita si America at sinabing pulitika ang motibo sa tangkang pagpaslang sa kanya.
Sa pagbalik nito sa munisipyo, ipinagharap ni America ng kasong frustrated murder si Escueta at limang iba pa sa Office of the Provincial Prosecutor, Infanta District Office bagama’t hindi pa umano lumalabas ang opisyal na resulta ng imbestigasyon.
Sa kanyang salaysay, inakusahan ng alkalde sina Escueta at Ruanto bilang mastermind sa pananambang.
Nakuha naman ng Infanta Municipal Police Station ang sinumpaang salaysay mula sa tatlong testigo na naging dahilan ng pagkakakilanlan ng mga nasabing suspek.
Pero ito ay pinawalang bisa ng piskalya dahil iisa ang tinutukoy ng mga saksi sa pamamagitan ng mga circumstantial evidence na hindi sapat para maging isang probable cause.