Intel funds ng Office of the President, muling binusisi sa plenaryo

Nakwestyon sa budget deliberation ng Senado ang intelligence fund ng Office of the President (OP) sa 2024.

Sa P10.645 billion na budget ng OP, P2.25 billion dito ay confidential fund habang P2.3 billion ang intelligence fund.

Sa budget deliberation ay nilinaw ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na wala siyang problema kung bigyan ng confidential fund ang tanggapan ng pangulo pero kanyang kinukwestyon ang intelligence fund ng OP.


Katwiran ni Pimentel, ang opisina ng pangulo ay isang civilian government agency at ang intel funds batay sa batas ay para sa intelligence gathering ng uniformed, military personnel at intelligence practitioners na may kinalaman sa national security.

Paliwanag naman dito ni Finance Committee Chair Senator Sonny Angara, ang naturang confidential at intelligence fund ng OP ay ang halagang nakatakda na mula pa taong 2020 at hindi na humingi ng dagdag dito ang punong ehekutibo.

Depensa pa ni Angara, ang pangulo ang generator at user ng intelligence at bilang commander in chief kailangan ng intel funds dahil maraming mahahalagang desisyon na kailangan gawin na kaugnayan sa national security ng bansa.

Pinuna rin ni Pimentel ang joint circular na nagtatakda na ang mga ahensyang humihingi at gumagamit ng intel funds ay kailangang magsumite ng report sa OP at ang mismong tanggapan ng pangulo na gumagamit rin ng intel funds ay nagsusumite rin ng report sa sarili nitong opisina kaya sa ganitong sistema ay sirang-sira aniya ang checks and balance sa gobyerno.

Gayunman, wala pang isang oras ay nakalusot na sa plenaryo ang 2024 budget ng OP.

Facebook Comments