Isa pang kongresista, nagpahayag ng buong suporta sa pagluluwag sa pagsusuot ng face mask

Bukod kay Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera ay suportado rin ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred delos Santos ang pagluluwag sa pagsusuot ng face mask ng mga low-risk individuals sa outdoor, non-crowded at well ventilated areas.

Base sa pahayag ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang rekomendasyong ito ay ipe-presenta pa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa kaniyang pag-apruba.

Para kay Delos Santos, mainam na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa outdoor areas basta manatili ang pagpapatupad ng iba pang health protocols tulad ng social distancing, indoor wearing ng face mask at pagpapataas sa vaccination rate.


Kaugnay nito ay sinabi ni Delos Santos na anumang pagbabago sa patakaran kaugnay sa COVID-19 ay kailangang ipaliwanag na mabuti sa publiko upang maiwasan na magdulot ng kalituhan.

Sinabi ito ni Delos Santos dahil sa indoor areas ay patuloy pa ring oobligahin ang pagsusuot ng face mask, gayundin sa mga senior citizen at immunocompromised individuals.

Facebook Comments