Muling nanindigan ang National Security Council (NSC) na walang nilalabag na anumang batas ang isinagawang joint air patrol ng Philippine at US Air Force sa West Philippines Sea (WPS) kamakailan.
Ayon kay National Security Adviser Sec. Eduardo Año, ang joint patrols sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay may ligal na batayan o salig sa International Law.
Sinabi ni Año na bilang malayang bansa, may karapatan ang Pilipinas na makipag-ugnayan sa iba pang mga kaalyadong bansa nito para itaguyod ang soberenya gayundin ang maritime security.
Aniya, kinikilala mismo ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS ang mga karapatan ng Pilipinas sa katubigang nasasakupan nito kaya marapat lamang na bantayan at pangalagaan ito ng Pilipinas katuwang ang mga kaalyadong bansa.
Bahagi rin aniya ito ng pangatlong Maritime Cooperative Activity sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa na layuning mapahusay ang interoperability ng dalawang pwersa.
Sagot ito ng opisyal sa alegasyon ng China na pinalalala lamang umano ng Pilipinas ang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo sa pamamagitan ng pagpapatrolya nito sa karagatan kasama ang Amerika.