Ibinabala ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang magiging dagok sa pagsisikap ng Marcos administrasyon na mapabilis ang digital transformation ng ating bansa.
Sabi ni Villafuerte, mangyayari ito kapag nabigong magparehistro ng Subscriber Identity Module o SIM cards ang milyun-milyong mga Pilipino.
Bunsod nito ay muling nakiusap si Villafuerte sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para palawigin ng isa o dalawang buwan ang April 26 deadline ng SIM registration.
Ang apela ni Villafuerte ay dahil mahigit 100 milyon na SIM card holders ang hindi pa nakakapagparehistro.
Paalala ni Villafuerte, mabubura sa digital at financial inclusion ang milyun-milyong mga Pilipino na hindi makakaabot sa deadline ng pagpaparehistro dahil awtomatikong made-deactivate ang kanilang mga SIM cards.