Halos handa na ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) para sa isasagawang panel interview sa presidential at vice presidential candidates sa Mayo.
Matatandaang sa halip na debate, inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na magsasagawa na lamang sila ng panel interview bilang concluding event ng PiliPinas Debates 2022 Series.
Tatawagin ang event na “COMELEC-KBP PiliPinas Forum 2022” na gaganapin sa Mayo 2 hanggang 6.
Magiging venue nito ang studio ng network na magsisilbing host ng interview na pangungunahan ng tatlong panelist mula sa iba’t ibang istasyon.
Dalawang kandidato ang sasalang sa interview kada araw.
Samantala, ayon kay Herman Basbaño, KBP President for AM Division, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na kumpirmasyon mula sa mga kandidatong lalahok sa forum.
Aniya, pwede namang gawin ang interview nang face-to-face o virtual kaya tingin niya ay hindi na rin magiging isyu ang ‘conflict in schedule’ ng mga kandidato.