Pinalawig ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay program ng mga bakunadong pasahero ng MRT, LRT-2 at PNR kahit nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Ayon sa DOTr, ito ay para lang sa mga Authorized Person Outside Residence o APOR na may vaccination card na kanilang ipapakita sa security guard o sa station staff.
Kailangan din ipakita ang patunay na APOR ang mga ito gaya ng Certificate of Employment, PRC ID o company ID.
Sa MRT, ang oras ng libreng sakay ay tuwing alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Sa LRT-2 naman, ang libreng sakay ay tuwing alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng umaga at alas-9 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Tiniyak din ng DOTr na mananatili ang public transport supply at capacity sa National Capital Region (NCR), Laguna, at Bataan ngayong MECQ.