Umapela si House speaker Ferdinand Martin Romualdez sa China na itigil na ang mga agresibong nitong hakbang o aktibidad sa West Philippine Sea.
Mensahe ito ni Romualdez kasunod ng balita na kinumpiska at sinira o itinapon umano ng China Coast Guard ang mga pagkain at iba pang supplies na para sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Nakalulungkot para kay Romualdez ang ganitong mga pangyayari sa West Philippine Sea na nakasisira sa relasyon ng Pilipinas at China.
Punto ni Romualdez, hindi dapat ang West Philippine Sea ang magde-define ng relasyon sa pagitan ng ating bansa at China.
Muli, binigyang diin ni Romualdez na malinaw ang polisiya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi natin isusuko ang alinmang bahagi ng ating teritoryo at hindi rin tayo pumapayag sa hindi magandang pagtrato sa atin ng China.