LTO, naglabas ng show cause order laban sa mga drayber at may-ari ng mga SUV na nasangkot sa dalawang aksidente sa Paranaque City

LTO, may show cause order sa mga nasangkot sa magkahiwalay na aksidente sa Parañaque City.

Pirmado ni Atty. Clarence Guinto, acting Director ng LTO Law Enforcement Service ang mga show cause order para ihain kina Raymond Zaparin, Rodolfo Cudiamat at Visitacion Hugo.

Si Zaparin ang sinasabing drayber at may-ari ng SUV na may plakang UXO-295 na nakasagasa umano sa babaeng streetsweeper sa Elizalde Avenue kanto ng Aguirre Avenue, Barangay BF Homes noong Setyembre 24, 2022.


Si Cudiamat naman ang drayber habang si Hugo ang may-ari ng SUV na may plakang NCV-4752 na nasangkot sa hit -and-run sa dalawang bata sa bahagi ng Bodoni Street kanto ng Extra Street, 4th Estate, Barangay San Antonio noong Setyembre 20.

Ang insidente ay nagresulta sa pagkasawi sa isa sa mga bata na tatlong taong gulang at ikinasugat pa ng kasama nito.

Pinahaharap sa tanggapan ng LTO-NCR ang mga respondent upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat masuspindi o ma-revoke ang rehistro ng kanilang mga sasakyan at lisensya sa pagmamaneho.

Kaugnay pa nito, tiniyak ni Guadiz na sakaling matukoy na guilty o mapatunayang lumabag ang mga respondent ay hindi na papayagan na makakuha ng lisensya sa pagmamaneho at hindi na makakapagmaneho ng anumang uri ng sasakyan.

Facebook Comments