Nagdeklara ng state of climate emergency si Makati Mayor Abby Binay at nangakong gagawa ng aksyon para mabawasan ang greenhouse gas emissions ng lungsod.
Ayon kay Binay, dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura at lebel ng dagat na dulot ng climate change, ang mga mababang lugar tulad ng Makati ay madali nang naaapektuhan ng bagyo na nagdudulot ng pagbaha at landslide.
Kaya naman bibili ng mga de-kuryenteng sasakyan at gagamit ng mga solar panel ang Local Government Unit (LGU) sa mga pampublikong paaralan at mga tanggapan ng gobyerno.
Ayon sa alkalde, makakatulong ito upang mabawasan ang pagkonsumo ng kuryente at matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo kahit sa panahon ng kalamidad.
Hinimok naman nito ang iba pang siyudad na turuan ang mga residente nito tungkol sa epekto ng climate change at isali sila sa paglikha ng mga plano upang sila ay maging handa rito.
Samantala, nauna nang sinabi ng The Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang average na temperatura sa buong bansa ay inaasahang tataas sa pagitan ng 1.8 at 2.2 degrees celsius sa 2050 dahil sa climate change.