Nakuha na kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ₱183 milyong halaga ng gamit pandigma mula sa Joint US Military Assistance Group – Philippines (JUSMAG).
Nai-deliver ang mga ito sa bansa sa pamamagitan ng isang US military KC-10 Extender na lumapag sa Clark Airbase, Pampanga.
Sakay nito ang siyam na M3P .50 caliber heavy machine guns, 10 mortar tubes at iba pang counter-terrorism at maritime equipment.
Ang mga kagamitan ay binili ng Pilipinas sa tulong ng US grant assistance.
Ayon kay JUSMAG-Philippines Chief at Senior Defense Official to the Philippines Col. Stephen Ma, nagpapatuloy ang suporta ng Estados Unidos sa mga pangangailangang pang-depensa ng Pilipinas bilang “cornerstone” ng isang malaya at mapayapang rehiyon.
Aniya, ang Pilipinas ang may pinakamalaki sa rehiyon na nakatanggap ng tulong pang-depensa mula sa Estados Unidos, na umaabot sa mahigit ₱48.6 billion o $1 billion mula 2015.
Samantala, ngayong taon ay ipinagdiriwang ang ika-70 anibersayo ng pagkakatatag ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.