Walang puwang ang mga “tolongges” o “nangongotong” na traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Ito ang mariing sinabi ni MTPB Director Dennis Viaje, makaraang masibak sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mahigit 100 tolongges na mga traffic enforcers bilang bahagi na rin ng paglilinis sa hanay ng nasabing ahensiya ng Manila City government.
Ayon kay Viaje, ipinapatupad nila ang “One Strike Policy” kung saan agad nilang sisibakin ang sinuman sa kanilang traffic enforcer na mapapatunayang nangongotong at nang-aagrabyado ng mga mahuhuli o masisitang motorista para sa kanilang pansariling interes.
Matatandaang kahapon, Mayo 25, ay sinibak ang isang traffic enforcer na kinilalang si Efren Fria makaraang dumulog sa tanggapan ng MTPB ang motorista na kanyang tiniketan na kinilalang si Miguel Vistan.
Ayon kay MTPB Chief of Operation Wilson Chan Sr., binawi na ang uniporme at ID ni Fria at tuluyan na itong sinibak sa kanyang tungkulin makaraang ireklamo ito ng “misapprehension”.
Matatandaan na kamakailan lang ay nag-viral sa social media ang paghuli at paniniket ni Fria sa motoristang si Vistan, kahit wala itong violation.