93% na mga nabubulok na karne sa nasunog na cold storage facility sa QC, natanggal na; masangsang na amoy, nalalanghap pa rin ng mga residente

Inanunsyo ngayon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) na umaabot na sa 93% ang mga natanggal na nabubulok na karne sa nasunog na cold storage facility, at dinala na sa Sitio Catmon, Barangay San Jose, Batangas.

Ayon sa QCDRRMO, umaabot na sa 3,530 metriko tonelada na mga nabubulok na karne ang kanilang nahakot gamit ang anim na dumb truck simula noong Enero 20 kung saan nagsimula ang sunog sa cold storage facility sa Barangay FPJ Avenue, Barangay Del Monte, Quezon City.

Paliwanag pa ng QCDRRMO na mayroong 470 metriko tonelada na mga nabubulok na karne ang hindi pa natatanggal sa naturang Storage Facility.


Matatandaan na mayroong 38 na mga mag-aaral at 11 na mga guro ang nagsusuka, sumakit ang ulo, at nahilo dahil sa masangsang na amoy na nagmula sa nasunog na cold storage facility.

Sa ngayon, naka-standby sa labas ng naturang Storage Facility ang mga tauhan ng QCDRRMO para magsagawa ng mabilisang disposal ng mga tone-toneladang mga nabubulok na karne.

Matatandaan na umaangal ang pitong mga barangay dahil sa masangsang na amoy kung saan kabilang sa mga barangay na apektado ay ang Barangay Del Monte, Masambong, Bungad, Paltok, San Antonio, Paraiso, at Damayan sa District 4 ng QC.

Facebook Comments