Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapataw ng parusa sa mga kandidato, supporters at iba pang mga indibidwal na lalabag sa health protocols sa gitna ng pag-arangkada ng panahon ng kampanya.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles nasa hurisdiksyon na kasi ng COMELEC ang implementasyon at pagpapataw ng parusa sa mga lumalabag sa guidelines na una nang binalangkas ng komisyon.
Matatandaan na una nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maaaring maharap sa isang buwan hanggang anim na buwang pagkaka-kulong o multa na ₱20, 000 hanggang ₱50, 000 ang mga lalabag sa minimum public health standards o no contact policy sa pangangampanya.
Sinabi pa ni Nograles na sila naman sa Inter-Agency Task Force (IATF) ay mananatiling nakabantay sa implementasyon ng mga health protocols para sa mga non-election related activities.