Malakanyang sisikaping maibaba ang bilang ng mga mahihirap sa bansa sa kabuuan ng termino ng Pangulong Marcos Jr.

Tiniyak ng Malakanyang na sisikapin ng gobyerno na mas mahigpit na tututukan nila ang mga programa na makatutulong para maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap na Pilipino.

Ito ay matapos lumabas sa pinakabagong survey na Social Weather Stations na tumaas pa ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na mahirap.

Batay sa Social Weather Stations (SWS) survey, umakyat pa sa 12.2 million ang mahihirap sa bansa nitong Hunyo kumpara sa 10.9-M noong Abril.


Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Secretary Trixie Cruz Angeles, ang pagbawas sa kahirapan sa bansa ang isa sa mga nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang unang State of The Nation Address (SONA) kung saan kanyang inihayag na target ng pamahalaan na maibaba sa single digit ang poverty levels pagsapit ng taong 2028.

Sinabi ni Angeles na bagamat wala pang partikular na utos ang pangulo kung paano ito isasakatuparan, pero ang pag-upo aniya ng pangulo bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) ay isang paraan.

Kabilang aniya sa mga nais ng pangulo na palakasin ay ang sektor ng agrikultura at ekonomiya – bagay na malaking tulong para mapababa ang dami ng nakararanas ng karahirapan sa bansa.

Facebook Comments