Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 1310 o ang Mandatory SIM Registration Bill.
Sa botong 20 sang-ayon at wala namang tutol ay nakalusot sa pinal na pagbasa sa plenaryo ng Senado ang panukala.
Binuhay at minadali ang pagpapatibay sa panukala upang mabigyang proteksyon ang publiko laban sa lumalalang text scams sa bansa.
Sa panukala, ang lahat ng bagong bibilhin na SIM ay hindi muna activated at magagamit lang ito kapag inirehistro online gamit ang tunay na pangalan at valid identification card ng subscriber.
Ang mga active prepaid SIM naman ay bibigyan ng 180 araw para mairehistro at kung lumagpas dito ay otomatikong ide-deactivate ng telecommunications company.
Mahigpit namang inaatasan ang mga telcos na ingatan at gawing pribado ang lahat ng mga impormasyon ng parehong postpaid at prepaid subscribers maliban kung ito ay hingiin ng otoridad o ng korte dahil sa imbestigasyon sa kaso.
Mahaharap naman sa parusang kulong at multa ang mga hindi otorisadong maglalabas ng datos ng mga telco subscribers.