Mastermind at kasabwat nito sa pagsu-supply ng mga gamit sa paggawa ng bomba, arestado sa Cavite at Quezon Province

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detention Group (PNP-CIDG) ang umano’y mastermind at ang kasabwat nito na supplier ng explosive components sa kanilang ikinasang operasyon sa General Trias, Cavite at Lucena City sa Quezon Province kahapon.

Kinilala ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang dalawang nahuling suspek na sina Charlito Tenorio, supplier ng controlled explosive substances at ang mastermind na si JR Suson.

Ayon kay PNP chief, unang naaresto ng kanyang mga tauhan si Tenorio sa ikinasang buy-bust operation habang si Suson ay naaresto sa follow-up operations.


Nakumpiska ng mga otoridad ang nasa 32 units ng 25 kilos na ammonium nitrate na may bigat na nasa mahigit 1,600 pounds o katumbas ng isang tonelada ng kemikal na ginagamit sa pampasabog.

Kaugnay nito inutos ni PNP chief sa CIDG na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung saan ibinibenta ang mga nakumpiskang controlled explosive substances.

Giit ni Eleazar na posibleng gamitin ito ng mga teroristang grupo at criminal gangs.

Matatandaang ng ipinag-utos ni Eleazar sa mga police commander na paigtingin na ang kanilang security measures lalo na sa panahon ng All Souls’ at All Saints’ Day at maging ang nalalapit na national at local elections sa May 2022.

Sa ngayon, nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 9516 o ang acquisition or disposition of firearms, ammunition and explosives ang dalawang nahuling suspek.

Facebook Comments