Ibinabala ni Senator Imee Marcos ang posibleng maging malaking epekto sa 2022 Presidential Elections ng mataas na singil sa kuryente at tubig kung hindi ito masosolusyunan agad ngayong may krisis na dulot ng COVID-19.
Ayon kay Marcos, ang mga kandidato ng administrasyon ang pangunahing maaapektuhan ng galit ng taumbayan sa hindi makatuwirang bayarin sa Meralco, Maynilad at Manila Water.
Binigyang diin ni Marcos na kailangang nakabase ang paniningil sa konsumo sa tubig at kuryente sa meter reading at hindi sa “estimate” o panghuhula lamang.
Paliwanag ni Marcos, malaking usapin ang kuryente at tubig sa pang araw-araw na kabuhayan ng taong-bayan.
Kaya’t panawagan ni Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte, na kumilos na ngayon upang maitama ang singil kung nais nitong manalo ang kanyang mga kandidato sa darating na halalan.