Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang business permit ng Nex Green Enterprises na nagpasweldo ng barya sa kanilang empleyado.
Kasunod ito ng paghaharap nina Jasper So at ng complainant na si Russel Minoza sa opisina ni Mayor Rex Gatchalian.
Sa halip na silbihan ng notice to comply, notice of suspension na ang ipinataw ni Mayor Gatchalian kay So.
Inamin mismo ni So sa kanilang paghaharap ang kaniyang pagkakamali at humingi na rin ng paumanhin kay Minoza na tinanggap naman sa huli.
Pumayag din si So na bayaran ng higit limampung libong piso si Minoza batay sa kwenta ng Workers’ Affairs Office ng lungsod sa kulang sa ibinabayad sa sweldo, overtime, night differentials at iba pa.
Ani Gatchalian, di natatapos dito ang kinahaharap na asunto ng may-ari ng pabrika.
Maaari aniyang maharap sa kasong kriminal at sibil si So.
Ipinaalam na sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang insidente.
Binigyan ng labinlimang araw ang kompanya para itama ang kanilang mga pagkakamali dahil posibleng mauwi ito sa revocation ng business permit kung hindi makapag-comply.